Ilang buwan ring naging uhaw sa pagmamahal. Gutom ang isipan sa mga bagong kaalaman. Nanlimos ng mga kuro-kuro upang masidlan man lang kahit papano ang tigang na isipan. Napaagusan narin ng konteng likido ng karunungan ang isip na maihahalintulad sa disyertong tahimik at payak. Pagal ang katawan sa pagbabalat-kayo. Durog ang puso dahil sa mga walang kwentang taong nagdulot nito. Nawalan ng ganang isatitik ang mga hinuhang naglulundagan at nagalalaro sa aking isipan. Walang ibang inisip kundi ang kahihiyang nagpahinto ng kagustuhang maka-aliw, kagustuhang mabasa ang obra maestra at kagustuhang mapayabong ang kaalaman sa pagsusulat. Nawalan ng ganang pagalawin ang imahinasyon. Nawalan ng pag-asang muling maibalik ang kasabikan sa paghahatid ng mga kwento. Nabaharin ng maruming dagta ang isipang inosente.
Ako na ang kakambal ng malas. Malas sa lahat ng aspeto sa buhay, iyan ang tingin ko sa aking sarili. Kung maaari lang hingiin ang pag-ibig, matagal na akong nakaupo sa bangketa upang mamalimos nito. Wala nang mailuha pa. Tuyo na ang matang dinadaluyan ng mapait na tubig na tila ilog sa kaparangan.Wala ng salitang maimura sa mga taong nanakit. Wala na ring panlalait na natatanggap. Naibaon na sa limot at muli nang babangon upang ipaglaban ang sarili. Matatag na ako. Masasabi kong sa muling pagbabalik, natuto na akong ihakbang ang mga paang nakaposas sa karimlan. Dukha man kung ako'y ituring nila, ako naman ang pinakamayamang taong nabubuhay dahil sa mga taong nagmamahal sa akin. Sa butihing Diyos na walang sawang umiintindi sa akin, sa aking mga kaibigan na tumatanggap ng lahat ng bigat na aking nararamdaman at sa isang espesyal na tao na patuloy akong iniintidi sa kabila ng aking kasamaan. Iba na ako. Iba na. Ibang-iba sa nakasanayan kong kalakaran.
Natuto narin akong makontento kung anung meron at huwag mainggit dahil isa akong anak ng Diyos na hinulmang walang katulad. Nililok Niya ang aking pagkatao upang maging matapang at maprinsipyong tao. Hiling ko ngayon na ako sana's ipaghehele sa kaulapan, iduyan sa kalangitan, ilakbay sa ibat-ibang planeta, hagkan ang araw at buwan, ikutin ang lahat ng isla, kumain ng mga pagkaing patok sa aking panlasa, tumira sa mansyon, at mamuhay na naaayun saking kagustuhan. Di naman masama mag-ambisyon. Libre lang kaya't habang libre pa, sagarin mo na. Ambisyoso ako. Siguro dahil maraming mga bagay-bagay na ginawang inspirasyon upang humakbang muli. Nadapa man ako ng ilang mga buwan, handa na akong ihakbang pausad ang paa. Igalaw ang mga kamay at ipasyal ang imahinasyon sa mundong puno ng kaalaman.
Ngayong buwan ng Hunyo, muli akong magbabalik sa paghahatid sa inyo ng kwento ng aking pang araw-araw na pakikisalamuha, pagharap sa lahat ng dagok ng buhay at sa pagsasakatuparan ng aking matagal ng pinapangarap. Nawa'y samahan niyo ako sa aking MULING PAGBABALIK.
Moving on process
-
It's almost three weeks since I moved back to Manila from Davao. It seems
like my emotional depreciation about goodbye has slowly faded away. I know,
I kno...
7 taon ang nakalipas
welcome back! :D
TumugonBurahin