Lunes, Hunyo 11, 2012

Muling Pagbabalik

Ilang buwan ring naging uhaw sa pagmamahal. Gutom ang isipan sa mga bagong kaalaman. Nanlimos ng mga kuro-kuro upang masidlan man lang kahit papano ang tigang na isipan. Napaagusan narin ng konteng likido ng karunungan ang isip na maihahalintulad sa disyertong tahimik at payak. Pagal ang katawan sa pagbabalat-kayo. Durog ang puso dahil sa mga walang kwentang taong nagdulot nito. Nawalan ng ganang isatitik ang mga hinuhang naglulundagan at nagalalaro sa aking isipan. Walang ibang inisip kundi ang kahihiyang nagpahinto ng kagustuhang maka-aliw, kagustuhang mabasa ang obra maestra at kagustuhang mapayabong ang kaalaman sa pagsusulat. Nawalan ng ganang pagalawin ang imahinasyon. Nawalan ng pag-asang muling maibalik ang kasabikan sa paghahatid ng mga kwento. Nabaharin ng maruming dagta ang isipang inosente.

Ako na ang kakambal ng malas. Malas sa lahat ng aspeto sa buhay, iyan ang tingin ko sa aking sarili. Kung maaari lang hingiin ang pag-ibig, matagal na akong nakaupo sa bangketa upang mamalimos nito. Wala nang mailuha pa. Tuyo na ang matang dinadaluyan ng mapait na tubig na tila ilog sa kaparangan.Wala ng salitang maimura sa mga taong nanakit. Wala na ring panlalait na natatanggap. Naibaon na sa limot at muli nang babangon upang ipaglaban ang sarili. Matatag na ako. Masasabi kong sa muling pagbabalik, natuto na akong ihakbang ang mga paang nakaposas sa karimlan. Dukha man kung ako'y ituring nila, ako naman ang pinakamayamang taong nabubuhay dahil sa mga taong nagmamahal sa akin. Sa butihing Diyos na walang sawang umiintindi sa akin, sa aking mga kaibigan na tumatanggap ng lahat ng bigat na aking nararamdaman at sa isang espesyal na tao na patuloy akong iniintidi sa kabila ng aking kasamaan. Iba na ako. Iba na. Ibang-iba sa nakasanayan kong kalakaran.

Natuto narin akong makontento kung anung meron at huwag mainggit dahil isa akong anak ng Diyos na hinulmang walang katulad. Nililok Niya ang aking pagkatao upang maging matapang at maprinsipyong tao. Hiling ko ngayon na ako sana's ipaghehele sa kaulapan, iduyan sa kalangitan, ilakbay sa ibat-ibang planeta, hagkan ang araw at buwan, ikutin ang lahat ng isla, kumain ng mga pagkaing patok sa aking panlasa, tumira sa mansyon, at mamuhay na naaayun saking kagustuhan. Di naman masama mag-ambisyon. Libre lang kaya't habang libre pa, sagarin mo na. Ambisyoso ako. Siguro dahil maraming mga bagay-bagay na ginawang inspirasyon upang humakbang muli. Nadapa man ako ng ilang mga buwan, handa na akong ihakbang pausad ang paa. Igalaw ang mga kamay at ipasyal ang imahinasyon sa mundong puno ng kaalaman.

Ngayong buwan ng Hunyo, muli akong magbabalik sa paghahatid sa inyo ng kwento ng aking pang araw-araw na pakikisalamuha, pagharap sa lahat ng dagok ng buhay at sa pagsasakatuparan ng aking matagal ng pinapangarap. Nawa'y samahan niyo ako sa aking MULING PAGBABALIK.

JunJun Ikaw na!


Pasukan na naman, ang lahat ay abala na naman sa paghahanda. Sa mga estudyante mula Kinder hanggang Kolehiyo, sa mga guro at sa mga empleyado sa paaralan. Ang iba'y kinakapa pa ang bawat umagang nakakabagot at nakakaantok. Wala namang bago, ngunit dahil bakasyon eh naninibago sa oras ng paggising. Maririnig na naman ang boses ni Inay na mala-Armalight, ang tunog ng mga kubyertos sa hapag, at ang mga musikang pinapatugtog ni Itay kasama na ang Unchained Melody, My Way, Paper Roses atbp. Pagbabalik tanaw... 


BUHAY ELEMENTARYA 


Pritong Itlog o Hotdog, Pancit Canton, "Goodbye-My-Head" bulad o daing, talbos ng kangkong o kamote, at mainit na kape o tsokolate ang karaniwang nakahanda sa simpleng payag. Nakahanda narin ang Singkwentang pabaon ni Nanay sa mesa. Beep Beep Beep, tunog ng Dyip ni Tsong Celo, hudyat na aalis na ng bahay at tatahakin na ng BIDA ang daan patungong paaralan. Suot ang Polong Puti, khaki shorts, medyas na abot hanggang tuhod, black leather shoes na minana pa ng bida sa kanyang pinsan, backpack na tila mamumundok dahil sa dami ng librong dinadala araw-araw kasama narin ng walo hanggang siyam na kwaderno na may pabalat ng ibat-ibang sikat ng artista (Rico Yan, Judy Ann Santos, Claudine Baretto atbp.), goodmorning towel, at ang lunchbox. Handa na naman upang masidlan ang tuyong utak ni JunJun. Handa upang makibaka at upang makisalamuha sa mga taong may ibat-ibang prinsipyo sa buhay. 


Pagdating sa paaralan eh nagmamadaling tinungo ng bida ang silid-aralan. Wala pang limang minuto eh tumunog na ang Kampanang hudyat na magsisimula na ang flag ceremony. Dahil sa pinagkaitan ng katangkaran, mula Unang Baitang hanggang ikaanim na baitang eh nasa unahan ng pila. Kitang kita ang lahat ng pangyayari sa entablado. Ang pagkadapa ni Ma'am sa hagdanan dahil nagmamadaling umakyat sa stage. Ang mga hagikhik ng mga estudyanteng nagtataas ng bandila dahil di nila alam kung anung tali ang hahatakin atbp. 


Dahil sa ang bida'y nag-aral sa isang relihiyosong eskwelahan namulat siya sa maka-Diyos na pamumuhay. Ikaw ba naman ang magdasal oras-oras, magrosaryo--- Joyful, Sorrowful, Glorious at Luminous Mystery, magsimba, sumali sa mga religious groups at minsan ay nangunguna pa sa pagdadasal bago at matapos ang klase. Naging bida rin sa mga patimpalak gaya ng Pagtutula, Balagtasan, katutubong sayaw, pagguhit, paggawa ng islogan, atbp. 
Naging mahusay rin sa pagkukwento at pagsusulat ng sanaysay. Kung hindi nakukuha ang Unang Karangalan eh di natitinag at sumasali ulit sa kung anu-anong patimpalak ng Paaralan.


Maagang namulat sa mundo ng pulitika. Mula Unang Baitang hanggang sa huling baitang ng elementarya eh nasanay na sa pagpapakilala ng sarili kasama ang mga plata-pormang nais ibahagi sa kapwa mag-aaral. "Vote wisely", "Promises are made to be broken", "I am not here for popularity blah blah blah." Siguradong memoryado na ng aking mga kapwa mag-aaral ang aking mga litanyang di nagbabago taon-taon. Nanalo rin naman, sa classroom nga lang. 


Uhuging bata ang bida. Malikot. Maliksi. At laging umuuwing pawisan. Mahilig makipaghabulan at makipagharutan sa mga kaklase. Patintero, Luksong Tinik, Luksong Baka ay ilan lamang sa mga larong pinagkakaabalahan niya. Kung kaya't naging miyembro siya ng Athletics Team dahil sa bilis niyang tumakbo at sa taas ng kanyang lundag. Naging bahagi din siya ng sariling pahayagan "THE HARBINGER" ng kanyang paaralan. At dahil sa hilig nito ang sports, naging sports editor siya sa loob ng 3 taon. Nakarating narin sa National Press Conference sa larangan ng pagsusulat ng Sports News. Siya lang mula sa kanilang paaralan ang nakarating sa nasabing patimpalak taong 2002. Mahilig din magbasa ang bida. Komiks, Magasin, Mga Alamat, at kung Anu-ano pa. Kung kaya't naging bihasa na siya sa pagsusulat ng mga kwento at nakakapagpahayag na siya ng kanyang mga hinuha kahit sa simpleng istorya lamang. Ang matamis na ngiting taglay ng bida ang nakakait sa mga damdamin ng kanyang mga nakakasalamuha't at di katagalan ay nagiging kaibigan na niya.


Biniyayaan din ang bida ng talento sa pagsasayaw. Nasubuka ang lahat na klase ng sayaw. Dancesports, ethnic, pop, hip-hop, novelty atbp. Isa siyang miyembro ng Teatro Pintados ng kanilang paaralan. Dahil sa pagmamahal niya sa kanyang mga magulang, pinaghusayan niya ang kanyang pag-aaral. 


Nagpursigi siyang makamit ang mga medalya at lasong magpapatunay na siya'y kabilang sa mga matatalino at responsableng estudyante sa klase. Nagkaroon siya ng mga Karangalan sa bawat taong nagdaan. Mula Unang Baitang hanggang sa siya'y nakapagtapos sa mababang paaralan ng Notre Dame of Tacurong College Grade School Dep't. Gusto niyang suklian ang mga paghihirap ng kanyang mga magulang upang siya'y mapadala sa isang pribadong paaralan. 


Di naman marangya ang kanilang buhay, pero lubos ang pasasalamat niya dahil sa suporta nilang nakakataba sa puso. Sinisiguro nilang ang lahat ng pangangailangan ng bida'y mapunan, lahat ng problema'y masolusyunan at lahat ng bayari'y mabayaran. At dahil dun naging masaya ang inilaging ANIM NA TAON ng bidang si JunJun sa ELEMENTARYA. Ikaw? Naging masaya ka ba nung ika'y nasa elementarya?